|

LETICIA ROSAS: 2004 MICROENTREPRENEUR OF THE YEAR
Isang Maikling Mensahe Mula kay Gng. Leticia Rosas
Ika-18 ng Nobyembre, 2004
Launch of International Year of Microcredit 2005, Malacañang Palace
Sa ating mahal na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Kgg. Gloria Macapagal-Arroyo at Pangalawang Pangulo, Kgg. Noli de Castro, sa mga bumubuo ng Pambansang Komite ng International Year of Microcredit, sa mga panauhing pandangal, sa mga taga-CARD MRI na binubuo ng CARD NGO, CARD Bank, CARD MBA at CARD Training Institute sa pamumuno ni Dr. Aris Alip at sa mga kababaihang katulad ko na natutulungan ng mga serbisyo ng microfinance, isang malugod na pagbati.
Naaala ko noong bago pa lamang akong nagsisimula bilang isang negosyante - bagama't may puhunang kaalaman, sipag at tiyaga, tila baga ang paggaod ay walang katiyakan. Sa isang pamilyang mahirap na tulad ko, di madali ang humanap ng puhunan para sa aking negosyo. Natuto akong manghiram sa mga money lenders at pikit-matang binalikat ang mataas na interes huwag lamang akong masira sa aking mga buyers. Salamat na lang at dumating ang CARD sa bayan ng Marinduque - nagkaroon ng bagong mukha ang pamumuhunan. Napautang kaming mga kababaihan ng bagama't di masyadong malaki, P2,000 na first loan - taong 1998, nguni't walang kolateral - isang bagay na nagbigay sa akin ng lakas ng loob at tiwala sa sarili.
Marahil ay malayo na nga ang aking narating - maunlad na ngayon ang aking pangkabuhayan, naipaayos ko na ang aking tahanan, nakapagpatayo na ako ng sarili kong opisina, patuloy pa rin akong nakakatulong sa aking mga kanayon - kung di kalabisan ay nais kong banggitin na mahigit ng 100 ang maghahabi na gumagawa ng aking mga kalakal. Ang kanilang mga malikhaing kamay ang patuloy na nagbibigay sa akin ng dignidad na ipagpatuloy ang industriya ng "loom weaving". Di pa man ako nakakalabas ng ating bansa, kasama naman ng aking mga kalakal ang isang bahagi ng aking puso sa iba't-ibang lugar kung saan ang mga ito ay dinadala ng aking mga customers. At ngayon ay isa na rin ako sa humigit kumulang 1,800 na kababaihan na "stockholders" ng CARD Bank - napatunayan ko na ang isang mahirap pala ay maaari ring maging may-ari ng bangko.
Kung di dahil sa mga microfinance institutions na tulad ng CARD MRI, marahil ay di mabibigyan ng katuparan ang pagsusumikap at adhikain naming mga kababaihan na maiahon sa kahirapan ang aming mga pamilya. Totoong mahirap sa umpisa; mahirap disiplinahin ang sarili lalo na sa pagbabayad at pagdalo sa mga lingguhang pagpupulong - nguni't iyon ang ilan sa mga bagay na naituturo sa katulad kong miyembro na masasabi kong tunay na kahanga-hanga - ang maturuan kaming harapin at kayanin ang responsibilidad; para sa akin, ito ay isang malaking tagumpay.
Kaya para sa Pambasang Komite ng International Year of Microcredit na naglalayong paigtingin ang kampanya at suporta para sa microfinance, binabati ko po kayo sa isang malaking hakbang na inyong naisakatuparan! Maraming salamat po sa pagkakaroon ninyo ng pagtingin sa sektor ng mahihirap na kababaihan at sa pag-alalay sa mga nagnanais na umangat ang kanilang kabuhayan.
Angkop ang slogan para sa pambansang pagdiriwang ng Taon ng Microcredit: "Sa microfinance, aangat ang kabuhayan, aasenso ang bayan!"
Mabuhay tayong lahat!
|